Ano ang naghihintay para sa mga estudyanteng magtatapos sa kolehiyo ngayong taong ito? Ano ang maaaring nasa isipan nila habang nagmamartsa sa entablado at tumatanggap ng kanilang diploma? Paano nila tatahakin at haharapin ang reyalidad ng buhay sa labas ng eskuwelahan? Handa na ba sila sa mga bagong pagsubok na kanilang daraanan sa bagong kabanata ng kanilang buhay?
Nakakatuwang mabalitaan na ang isang estudyanteng anak ng mahirap o lumaking maralita ay nakatapos ng kolehiyo. Maraming ganitong mga kaso na malimit makita sa social media at ibang mga plataporma ng balita at impormasyon. Mga halimbawa ng mga pagsisikap na sa kabila ng kakapusan sa buhay at ibang mga problema sa buhay ay nagawang makatapos ng pag-aaral. Bagong pag-asa ang dulot ng pagtatapos sa kolehiyo.
Pero hanggang doon na lang ba iyon? Ano na ang magiging kalagayan nila pagkatapos ng graduation? Maghanap ng trabaho na parang siya nang nakagawiang ritwal ng mga nagtatapos sa kolehiyo? Awtomatiko bang may bakanteng trabaho para sa bawat isa sa daan libong college graduate? Kung meron mang nagkakatrabaho agad pagkagradweyt ay meron ding inaabot ng maraming buwan o taon bago magkatrabaho.
Magkakaiba naman ang sitwasyon ng mga nagtatapos sa kolehiyo. Maaaring depende sa kanilang pinag-aralan o kakayahan. May mga pagkakataon na hindi sapat ang mga medalya, diploma at sertipiko ng karangalan para magkaroon agad ng trabaho. Meron sa kanila na kung makakuha naman agad ng trabaho ay wala namang kinalaman sa kanilang pinag-aralan sa kolehiyo.
Nariyan din iyong mga nakakapagsolo agad sa kanilang pinasok na karera na hindi kailangang mamasukan. Nariyan iyong kahit nagtapos ng kolehiyo ay nag-aaral pa sa mas mataas na antas tulad ng sa master’s o doctoral o nag-aaral ng iba pang kurso depende sa sitwasyon nila sa buhay na lalong nakakatulong sa paghubog ng maayos nilang kinabukasan.
Sa panahon ngayon na mahirap din ang humanap ng trabaho kahit pa merong diploma, nakakatulong din na may iba pang karunungan, kakayahan o kasanayan bukod sa napag-aralan sa kolehiyo. Sa isa ngang pananaliksik ng Philippine Institute for Development Studies noong 2020, dumarami ang mga Pilipinong merong college degree na nag-aral ng mga kurso sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Binabangga rito ang paniniwalang ang vocational training ay para lang sa mga high school graduate na walang panggastos sap ag-aaral sa kolehiyo.
Lumalabas sa pananaliksik na nakakarami sa mga nagtapos ng Technical and Vocational Education and Training ng TESDA ay mga nakatapos ng kolehiyo. Sumusunod ang mga high school graduates at college undergraduates. Hindi nga lang malinaw kung iyong mga college graduate na nag-aral sa TESDA ay nakakuha ng ibang trabaho kinalaunan o kung nakapagnegosyo sila sa tulong ng kasanayang natutuhan nila sa vocational school.
Hindi naman minamaliit dito ang mga mas mataas na edukasyon. Pero marami na ring mga Pilipino ang nagamit sa kanilang kabuhayan ang iba nilang natutuhang kasanayan at karunungan kapag nabigo silang umunlad sa ginusto nilang karera o pinag-aralan nila sa kolehiyo.
Marami ring Pilipino ang nagtatagumpay sa karerang pinasok bagaman walang tiyak na susi sa tagumpay pero nakakatulong sa pagtamo nito ang mga pagsisikap, sipag at tiyaga na hindi maiwasang kailangang magpatuloy sa buhay sa labas ng mga kolehiyo.