Pinapangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panawagan ng mga manggagawa na paggulong ng P1,200 na arawang sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng pantustos ng mga ordinaryong Pilipino.
Bitbit ng samahan at ng libo-libong manggagawa mula sa pampubliko at pribadong sektor ang apela sa nakabubuhay na sahod sa ikinasa nilang kilos-protesta sa iba’t ibang lugar gaya ng Maynila, Baguio, Cebu, Davao at IloIlo noong Mayo Uno.
“The labor group, its regional counterparts, and allied groups call for a daily minimum wage set at P1,200, which the Ibon Foundation computed as the necessary requirement to feed, clothe and shelter a family of five,” ayon sa KMU.
Nananatiling suliranin sa mga ordinaryong manggagawa ang kakulangan sa arawang sahod bilang pangsustento, ayon sa Ibon Foundation.
Sa ulat ng organisasyon, ang dapat na natatamasa ng isang pamilyang may limang miyembro sa National Capital Region (NCR) ay P1,222, malayo sa P645 na aktwal na arawang sahod sa rehiyon. Samantala, P361 lamang sa dapat na P2,058 ang sahod sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pasan din ng mga manggagawa ang patuloy na pagtaas ng presyo sa mga batayang pangangailangan. Noong Abril, nakapagtala ng P0.72 na taas-presyo sa kuryente at P0.04 sa kada cubic meter ng tubig. Nagtala rin ng P1.20 hanggang P1.40 na taas-presyo sa krudo, na sinabayan ng dagdag pamasahe sa pampublikong transportasyon gaya ng LRT-1.
Nakapagtala ang NCR ng 2.1 porsyento inflation rate na mas mababa kumpara sa 3.8 porsyento na naitala noong 2024. Gayunpaman, ang pagbaba ng implasyon ay indikasyon lamang ng mabagal na pagtaas ng bilihin, ngunit tumataas pa rin ito, ayon sa pahayag ng KMU.
Sa rekado at mga bilihin noong Marso, hirap ding mapagkasya ng mga ordinaryong manggagawa ang kanilang sahod sa P43 na bigas, P317 na kilo ng isda, P422 na kilo ng baboy, at P204 na kilo ng manok.
“Dahil barya-barya pa rin ang dinadagdag sa sahod ng mga manggagawa, nananatiling kapos at hindi makasabay ang sahod sa nagtataasang presyo ng mga manggagawa sa kanilang mga batayang pangangailangan,” giit ng grupo.
Sa isang pag-aral noong 2022, naitala na lumuluwas ng bansa ang mga manggagawa sa pagbabakasakaling maiangat ang kanilang kinikita. Naging salik din sa kanilang desisyon ang unemployment rate na kinatatayuan ng Pilipinas, na nasa 3.8 porsyento noong 2024.
Bunga ng kawalan ng nakabubuhay na sahod at oportunidad sa loob ng bansa, mas umiigting ang brain drain na nararanasan ng Pilipinas, at ang kawalan ng pag unlad sa lokal na puwersang manggagawa batay sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
“It is crucial to create more job opportunities within the Philippines and foster domestic development, investing in local skills,” diin ng pampublikong korporasyon .
Sa kasalukuyan, naihain na ang panukalang dagdag sahod na P200 at bitbit nila ang kampanyamg iratsada na ng administrasyong Marcos ang P200 across-the-board wage hike na kasalukuyang nakaantabay para sa third reading upang maipagpatuloy na sa bicameral meeting ng Kongreso bago mag-Hunyo.
Bagaman nangangamba ang KMU na hindi ito mabigyang prayoridad sa pagbubukas ng bagong kapulungan, tinatanaw pa rin itong hakbang para makamit ang P1200 na nakabubuhay na sahod.