Kasado na ang partisipasyon ng mahigit walongdaang eskuwelahan sa buong bansa sa gaganaping pilot run ng revised Senior High School curriculum ng basic education program ngayong School Year 2025-2026.

Sa briefing ng Department of Education sa House Committee on Basic Education and Culture ngayong araw, sinabi ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral na ang initial list ay 727 schools na itinuring na "highly ready" para sa trial ng "strengthened" program sa Grades 11 at 12.

Ngunit matapos ang feedback mula sa Senado ay isinama na rin aniya ng DepEd anag "moderately ready" private at rural schools kaya sa kabuuan ay 841 na.

Ipinaliwanag ni Cabral na ang pilot schools ay kumakatawan sa 6.60 percent ng 12,739 senior high schools sa bansa.

Mula sa 841, 580 ang public schools habang 261 ang pribado.

Iginiit pa ni Cabral na kapag nagsimula na ang pilot testing ay mahigpit na babantayan ng DepEd ang implementasyon at kasabay nito ang kolaborasyon sa Philippine Institute for Development Studies para bumuo ng maaasahang evaluation study.

Bukod dito, sasailalim sa pagsasanay ang mga teacher mula sa mga eskuwelahang lalahok sa May 25 hanggang June 7.

Sa revised SHS curriculum ay babawasan ang core subjects mula sa labinlima patungong lima na lamang na pag-aaralan sa full year sa Grade 11.

Ang mga bagong subjects ay ang Effective Communication, Life Skills, General Mathematics, General Science at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.



Main Menu

Secondary Menu